BFAR XI: IKA-PITONG CLOSED SEASON SA DAVAO GULF, NAGSIMULA NA
Kasabay ng pagpasok ng buwan ng Hunyo ay ang siyang pagsisimula ng taunang Closed Season sa Davao Gulf.
Sa bisa ng Joint Administrative Order No. 02 ng Kagawaran ng Agrikultura (Department of Agriculture) at Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal (Department of Interior and Local Government) na nilagdaan noong taong 2014, idineklara ang taonang Closed Season sa baybayin ng Davao Gulf simula sa unang araw ng Hunyo hanggang sa huling araw ng Agosto. Ito ay upang tugonan ang panawagan na mapanatili ang sapat na dami ng mga isda sa karagatan at upang mapangasiwa at mabigyan ng panahon ang pagpaparami at pagpapalaki ng mga isdang dagat.
Maiging ipinagbabawal ang panghuhuli ng small pelagic fishes gaya ng karabalyas, galunggong, at matang baka gamit ang bagnets (basnig o tapaytapay), ringnets,(gaya ng kubkub, kubkuban, pukot-likom, sinsoro o other modified gears similar in nature) at ang dati pa mang ipinagbabawal na fine mesh nets.
Nakapaloob sa Section 100 sa ilalim ng Republic Act 10654 “An Act to prevent, deter, and eliminate illegal, unreported, and unregulated fishing amending RA 8550” patungkol sa municipal fishing na sino man ang mapapatunayang lumabag sa nasabing batas ay maaaring magmulta ng P20,000.00 o ang katumbas ng tatlong beses ng halaga ng huli, alin man ang higit na mas mataas. Para naman sa commercial scale, maaaring pagmultahin ng P100,000 hanggang P500,000 o ang katumbas ng limang beses ng halaga ng huli, alin man ang higit na mas mataas. Kapag napatunayan ang paglabag, maaaring magpataw ang korte ng anim na buwan at isang araw hanggang anim na taon na pagkabilanggo, pagkumpiska ng huli at kagamitan sa panghuhuli, at multa na katumbas ng dalawang beses sa halaga ng administrative fine, at ang pagkansela ng lisensya o permit.
Pinahihintulutan naman ang pag gamit ng pagpangundak, pamasol, o anumang kagamitang hindi kalakip sa mga ipinagbabawal sa kondisyong ito ay may kaukulang permit mula sa LGU o BFAR.
Ngayong taon, ang BFAR 11 sa pangunguna ni Regional Director Fatma M. Idris, kasama ang iba’t-ibang ahensya, organisasyon at lokal na pamahalaan sa Davao region, ay mas paiigtingin at palalawigin ang kampanya kontra illegal, unreported, and unregulated (IUU) fishing sa baybayin ng Davao sa kasagsagan ng Closed Season.
Inaasahan ang kooperasyon ng lahat ng mga mamamayan sa pagsulong ng pangangasiwa at pangangalaga ng ating mga karagatan at yamang-dagat.
Para sa iba pang detalye o anumang impormasyong may kinalaman sa Davao Gulf Closed Season, maaaring dumulog sa BFAR 11 JAO Hotline 0915 196 3987.